Madalas nangangati ang aking mga palad
Sa dami ng hinaing na nais kong isulat
Maraming mga bagay ang gusto kong ilahad
Na nahihimlay lamang sa aking kalooban
Sa pag-ihip ng hangin ay dito dinala
Sa magulong mundo ng mga titik at letra
Kung saan ang papel ang tanging panangga
At lahat ng nilalang ay pinikot ng pluma
Lipunan ang dahilan ng aking mga akda
Salita'y idinikta ng nagniningas na alab
Alab na naipon sa aking kaisipan
Na siyang tumutupok sa bansang inaamag
Ang pagkabulag sa reyalidad at pangyayari sa lipunan
Kahinaang maituturing sa pagtamo ng katarungan
Ang pagbubulag-bulagan ay malaking pagkakasala
At pagtalikod sa tungkulin para sa Inang Bayan
Kabataang Pilipino para sa kalayaan
Salita ang ating bala sa pagkamit ng katotohanan
Puso ang puhunan sa pagguhi't pagsusulat
Ating isatitik ang mga tinig na malat
Tinta ang dumadaloy sa aking mga ugat
Dugo ang nagsisilbing laman sa 'king panulat
Sagradong karapatan ng bawat mamamayan

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento