Huwebes, Nobyembre 15, 2012

"Adhikain sa Nagpupugay na Watawat"

Bayang Sinilangang aking kinamulatan
Ngayo'y nagsusumamo sa gapos ng panata
Hiyas na nabuo sa pighati at mga luha
Kasabay ng naglalahong saysay ng kasaysayan

Humihilab ang sakit sa dangal ng ala-ala
At pilit na dumudungaw sa mata ng mga pag-asa
Sumusulyap sa liwanag ng mga nasirang pangarap
At kumakapit sa pintig ng ating Lupang Hinirang

Ngayo'y humihinga sa samyo ng kahirapan
Tuwing nagpapalit ang mga simoy ng tadhana
Humihina ang pulso ng natitigang na lupa
Ni hindi makadaing, kahit isang wika

Kailan muling kikilos ang mga pag-asa ng bayan
Kung lahat ay takot na ipakita ang tapang
Hindi sapat ang talino sa pagkamit ang pag-asa
Kung pilit binubulag ang ating mga mata

Hindi kahihiyan ang tumayo at makibaka
Hindi pagkakasala kung ito ay nasa tama
Higit na kahibangan ang pagbibingi-bingihan
Sa sigaw ng piping-saksing - Bansang Pilipinas

Ating ihalik ang nalalaman sa lupa
at hayaang umusbong ang binhing naipunla
Ikalat sa hangin ang ating paghihirap
At hayaang ihalibas sa kanilang kamalayan

Kaya't tayo'y manindingan bilang mga anak
Tangan ang adhikain sa nagpupuyos na araw
At sa nagpupugay na watawat ay ating isabuhay
Ang tatak na nakahimpil sa pagiging

ISKOLAR NG BAYAN!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento